(Sa first half ng 2021) 26.14M PINOY MAHIRAP

TUMAAS sa 23.7% ang poverty incidence sa mga Pilipino sa first half ng 2021 mula sa 21.1% sa kaparehong panahon noong 2018, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) chief Karl Chua na katumbas ito ng karagdagang 3.9 million Filipinos na mahirap.

“We had set a target of reducing poverty by 6 million Filipinos by 2022. We have achieved that in 2018. But as of the first half of this year, there are 3.9 million more poor,” sabi ni Chua.

Ayon sa PSA, nangangahulugan ito na nasa 26.14 million Filipinos ang nabubuhay sa ilalim ng poverty line na P12,082 per month para sa pamilya na may limang miyembro.

Nakasaad din sa  datos na nasa 18 porsiyento ang poverty incidence sa mga pamilyang Pinoy, o katumbas ng 4.74 million na mahihirap na pamilya, mas mataas kumpara sa 4.04 million sa kaparehong panahon noong 2018.

Tumaas din ang bilang ng mga Pinoy na nakararanas ng matinding kahirapan sa 10.94 million mula sa  8.5 million noong 2018.

“We have to work hard to at least bring them out of poverty before the term ends,” ani Chua.

Sa first half ng taon ay kinaharap ng mga Pinoy ang mas mahigpit na COVID-19 restrictions kung saan essential services lamang ang pinayagan sa gitna ng tumataas na kaso.

“We are hoping that the second half of the year where we see better growth and employment prospects will help us achieve that or at least minimize the impact on the poor,” dagdag ng NEDA chief.