HINDI pa man natatapos ang Fire Month, pumalo na sa 72 katao ang nasawi sa sunog sa Pilipinas sa loob lamang ng unang quarter ng 2024 o Enero hanggang sa kasalukuyan.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), lumalabas na mas mataas ito ng 41.8% sa naitalang 51 biktima noong 2023 sa kaparehong buwan.
Inulat din ng BFP na tumaas din ang bilang ng mga sunog na naganap sa bansa sa 3,590 insidente sa mahigit 2 buwan na nasa 24.3% na mataas ng 2,887 noong 2023.
Ang pinsala naman sa mga ari-arian ay nasa 59.7% sa P2,329,667,772.50 kumpara sa P1,459,055,270.30 sa kahalintulad na quarter noong 2023.
Habang umabot naman sa 216 katao ang nasugatan kumpara sa 201 nairekord noong nakalipas na taon.
Patuloy naman nagpapaalala ang BFP sa publiko na ibayong pag-iingat ang gawin para makaiwas sa sunog.
Kabilang dito na huwag pabayaan ang mga nakasaksak na appliances tulad ng mga electric fan na madalas mag-overheat.
Nauna nang sinabi ng BFP, karamihan sa sanhi ng sunog ay napabayaang upos ng sigarilyo, nag-overheat na electric fan, pagluluto sa mga napabayaang tangke ng gas at maging ang mga depektibong linya ng kuryente.
EUNICE CELARIO