AY, ang mga kritiko ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, wala yata sa hulog o ‘hate’ lang talaga nila ang alkalde ng Maynila.
Wala raw utang na loob si Yorme kay Presidente Rodrigo Roa Duterte na noong 2018, itinalaga si Isko na undersecretary ng DSWD.
Kasi, ilang beses daw na inupakan ni Yorme Isko ang Pangulo sa ilang polisiya ng gobyerno tungkol sa vaccination, political dynasty at ang pagtutulak na kumandidatong pangulo ang anak nitong si Davao City Mayor Sara Duterte.
Ngayong wala nang presidential candidate ang PDP-Laban, aba, ipinag-alukan ang sarili na sana raw, siya ay iendorso ng Pangulo.
Naman, baka kayo ang sala sa lamig, sala sa init.
Tandaan na ang sigaw ni Yorme Isko, siya ang ‘Healing President’ kung mananalo sa 2022.
Ibig sabihin, aalisin niya ang ‘hate’ at ‘vengeance’ kung siya ang Pangulo, at eto hindi pa man, nais na niyang makipagkaisa kay Tatay Digong.
Ano ang masama kung personal niyang iboto si Duterte at ipangakong itutuloy ang ‘Build Build Build’ program, ang national vaccination program at iba pang polisiya ng gobyerno?
Ano ang masama kung hingiin din ni Isko ang tulong ng iba pang opisyal ng gobyerno at ng iba pang politiko sa ibang partido, e nais nga niya, mapagkaisa ang mamamayang Pilipino?
Tama naman si Yorme na iboto si Tatay Digong na senador: Siya ay abogado, dating piskal, dating kongresista, dating bise-alkalde at alkalde ng Davao City, at higit sa lahat, mayaman sa karanasan bilang Pangulo ng bansa.
May topak siguro sa ulo ang kokontra sa sinabi ni Yorme Isko na kuwalipikado, karapat-dapat na maging senador si Duterte.
Ang maganda sa Aksyon Demokratiko, solido ang suporta nila sa nais ni Yorme na sundan ang ginawa ng gobyernong Digong kung si Yorme Isko ang maging pangulo sa 2022.
Meaning, mataas ang respeto at makisig ang liderato ni Isko sa kanilang partido: buong-buo sila, solido, matatag at tulad ng laging sinasabi niya, “Iisang Bangka, Iisang Bansa.”
Ano sabi ni Ernest Ramel, chairperson ng Aksyong Demokratiko, eto: “We stand by with the pronouncement of our Party President and standard-bearer. Aksyon has taken a centrist and objective stand on many issues and is not an opposition party per se.”
Pabor dito si Sir Lito Banayo, chief campaign strategist ng Aksyon, kasi noon pa man, lantad, walang sikreto si Yorme Isko na hingiin, hikayatin, kumbinsihin ang maraming politiko kahit pa sa ibang partido na samahan siya sa 2022.
Willing si Yorme na makipagtrabaho sa kahit sino na naniniwala sa ‘Bilis Kilos’ program ng Aksyon!
Sabi nga niya sa buong Team Isko, “Magparami kayo!” at kung kasama sa “marami” si Tatay Digong, e ‘di ang saya!
o0o
Totoo naman na malaking pabor sa kandidato ang endorsement ni Duterte na, aminin o hindi ng mga hater ni Tatay Digong, super popular siya hanggang ngayon sa masang Pilipino.
‘Yung iba ngang presidential candidate ito rin ang secret wish na sana ay iendorso siya ni Duterte, kaso, naunahan sila ng mabilis na kilos ni Yorme Isko!
Ang totoo, nagpahiwatig na si Madam sa kanyang supporter na nagsabing iwasan na raw ang pakikipag-away sa mga kontra sa kanila at makipagkaisa sa tao.
Ganoon, e siya nga ang nagsabi na kaya siya tumatakbo, para raw pigilan ang pagbabalik ng diktaturya!
o0o
Nakaaantig ng puso talaga ang pakiusap ni Yorme sa mga taga-Malabon City na binisita niya kamakailan nang sabihin niya, bigyan lamang siya ng pagkakataon, ang ibibigay niya ay isang mainam, episyente at masinop na gobyerno sa loob ng anim na taon na siya ang pangulo.
Serbisyong tunay sa publiko, mga programang tutulong sa kapos at mahihirap na pamilyang Pilipino na makatawid sa unang dalawang taon sa perwisyong dala ng COVID-19, at makapagbigay ng trabaho, dekalidad na edukasyon, mabuting medical service program na libre sa lahat at pataasin ang pamumuhay ng tao.
Nagbigay siya ng murang upa na pabahay sa mga taga-Tondo, Binondo at trabaho sa mga nawalan ng trabaho sa Maynila.
Iyon din ang handa niyang ibigay sa mga taga-Malabon at sa maraming lugar pa sa bansa, basta ipanalo lang siya sa 2022.
Cancer Center of the Philippines ay itatayo nila na pangangasiwaan ni Doc Willie Ong para may mapuntahan na libreng ospital ang naghihirap na pasyenteng Pilipino.
‘Yung extrang pera na makukuha ng LGUs sa IRA, ibubuhos ni Yorme Isko sa investment ng maliliit na negosyante para makalikha ng milyon-milyong trabaho.
Handa siyang malugi muna ang gobyerno sa gagawing 50 percent na bawas sa buwis ng petrolyo at sa koryente, at ang matitipid, extrang pera sa mahihirap na pambili ng pagkain, gamot, at pambayad sa iba pang gastusin.
Anong laking tulong nito sa tao, kasi sabi nga ni Yorme, ang trabaho ng may malasakit na gobyerno ay tumulong sa bigat ng buhay at kabuhayan ng tao.
E, may problema ang tao na aayaw sa iniaalok ni Yorme Isko na gobyernong may pagtitiis at malasakit sa pamilyang Pilipino.
Walang sinisino ang sakit, ang virus, mayaman, mahirap, beautiful at ugly, matangkad at ‘di matangkad, matalino o hindi, tiyak ang pagdating ng pagkakasakit o pinsala sa katawan, gawa ng kalamidad o aksidente.
Bahagi ng buhay ang magpagamot, maospital, masaktan at ‘pag medical service na ang usapan, mahalaga ay may pera at may mahuhusay na pagamutan.
Ang mahirap na medical service ang iniiyak ni Doc Willie Ong kaya ano ang sabi niya, matalo o manalo siyang bise presidente, iniaalok niya ang sarili.
Ayaw na niya ng basta lang magpapayo kung paano mapagagaling ang sakit, gusto niya todong tulong kung maaari.
Sabi niya sa tao, ang kailangan ng lahat, ‘yung libreng gamot sa high blood, libreng gamot sa diabetes, kailangan ninyo ng insulin, kailangan libreng dialysis, libreng blood test, urinalysis, libreng ultra-sound, 2D Echo, ECG.
Kung siya ang bise presidente at maging DOH secretary, hindi na malulungkot ang mga tao, maayos, mabilis na gamutan at operasyon ay makakaya na niyang mabigay, sabi ni Doc Willie.
Sa ganda ng programang ito, kanino pa kayo, e ‘di kanino pa, kina Isko at Doc Willie na!
o0o
Para sa inyong mga suhestiyon, reaksiyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].