(Sa gatas, diaper sa mga anak ng dayuhan na na-deport) OPERASYON NG GOBYERNO VS POGO MAGASTOS

GUMAGASTOS ng malaki ang pamahalan sa operasyon laban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub dahil ang mga daan-daang naaresto na foreign national ay kailangang pakainin, habang ang pasilidad kung saan sila nakakulong ay kailangang i-maintain sa utility bills gaya sa kur­yente at tubig.

Ito ang inamin ni Usec. Gilbert Cruz, Exe­cutive Director ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Inihalimbawa ni Cruz ang nasa 500 na dayuhan na kanilang pinatitigil sa POGO hub na kanilang pinakain habang mayroon pang nasugatan nang magtangkang tumakas na kanilang pinagamot.

Bukod pa rito ang mga security na nagbabantay sa mga dayuhan habang maging ang deportation ng mga ito sa kani-kanilang bansa ay kanilang tustusan din.

“Once na nanghuli kayo ng POGO hub kagaya sa Tarlac wherein meron doon mga 36 buildings and ito ay kulang kulang 10 hectares. Kapag nahuli mo yan, let’s say nakakuha ka ng mga 500 na foreign nationals at mga Filipinos ang una mo gagawin diyan habang iniimbestigahan sila doon pinapakain niyo ‘yan tapos dahil ho nagtakbuhan diyan, yun iba tumatalon pa sa building nasusugatan so kailangan ipagamot,” bahagi ng panayam kay Cruz sa isang radio station.

Kabilang din sa tinutustusan ngayon ng pamahalaan ang pag-aalaga, pagpapagatas at diaper sa 15 bata na anak ng mga pina-deport na dayuhan kaya kailangan nila ng pondo para sa kanilang operasyon.

“So actually sa nga­yon may mga 15 bata kami alaga ngayon dito sa amin, every week humihingi ng panggatas saka ng mga pampers ‘yung mga nanay,” ayon sa PAOCC chief.

Dahil ipinag-utos na ang ban sa POGO, sinabi ni Cruz na kailangang nila ng malaking kulungan at pondo lalo na’t ang bawat POGO ay mayroong 500 hangang 3,000 tauhan na dayuhan.

“Wala tayong kulu­ngan na ganun kalaki na kayang mag-accommodate ng marami na libo kasi Ang laman ng pogohan kadalasan 500 pataas hanggang 3,000 yan. so kailangan magmamaintain ka ng isang kulungan,” ani Cruz.

Hindi naman maa-accommodate ng Bureau of Immigration ang pag-aresto sa mga POGO player dahil hanggang 200 lang ang kanilang kayang i-maintain.

“Ang immigration kasi natin nasa 200 lang ang maximum nila so kaila­ngan i-maintain mo yung kulungan, maglalagay ka ng bantay tapos ‘yung deportation niyan, mga tic­kets niyan tayo ang gumagastos tapos ‘yun nga ho kung napansin niyo yung dineport natin kahapon may sanggol na kasama,” dagdag pa ni Cruz.

EUNICE CELARIO