(Sa gitna ng ASF cases) PRESYO NG BABOY BUMABA, MANOK TUMAAS

MAGKAKAIBA ang presyo ng baboy at manok sa public market sa gitna ng pagkalat ng African swine fever (ASF) sa ilang probinsya.

Sa monitoring mula sa Department of Agriculture (DA), ang presyo ng liempo ay nasa P305 kada kilo at bumaba ang presyo ng kasim ng P10 kada kilo.

Samantala, ang retailers ng manok at itlog ay nagtaas ng presyo dahil naghahanap ang mga mamimili ng mga alternatibong mapagkukunan ng protina.

Ang presyo ng manok ay tumaas sa P220 para sa buong manok habang ang choice cut ay nasa P240 hanggang P250 kada kilo.

Ang ASF outbreak ay labis na nakapinsala sa national hog population, na bumaba mula 12.7 million noongb2019 sa tinatayang 9.9 million noong 2023.

Ayon sa Bureau of Animal Industry (BAI), ang ASF ay kumalat na sa lahat ng 17 rehiyon sa bansa at nakaapekto sa 74 lalawigan.

Hanggang Agosto 8, nasa 64 bayan sa 22 lalawigan ang iniulat na may mga aktibong kaso ng ASF.

Pinopondohan ng DA ang programa sa swine repopulation.

“May nakalaan na dalawang bilyon para sa repopulation na ngayon ay gumugulong na,” wika ni DA Assistant Secretary for Swine and Poultry Constante Palabrica.

Muli ring tiniyak ng DA na ang mga infected pork product ay hindi makararating sa merkado.

“Yung galing sa North, hindi pupunta sa South. Yung South, hindi pupunta ng North… Mahigpit ang NMIS (National Meat Inspection Service). Kapag ka dumaan ka doon, mayroon kang tatak ng NMIS at sigurado ang ating mga consumer na ito’y malinis at walang sakit itong mga karneng ito,” ani Palabrica.