SA GITNA NG BANTA NG COMPANY SHUTDOWN, COVID-19 PINAS DAPAT MAGING ECONOMICALLY RESILIENT

TATAK PINOY.jpg

NANG ianunsiyo ng mga kompanyang Nokia, Wells Fargo at Honda na posibleng matigil ang operasyon nila sa bansa o kaya’y magbawas ng serbisyo, talagang nabahala tayo.

Kung tuluyan ngang magsara ang mga kompanyang ito, pa’no na lang ang buhay ng kanilang mga empleyado na matagal na panahong dito sa trabahong ito umaasa?

Sa Nokia, may 700 professional IT employees; ang Wells Fargo,  may 750 tech workers; at ang Honda, halos 400 manufacturing workers ang tatamaan. Tiyak na matutuliro ang isip nila kung paano pa makapaghahanap ng panibagong trabaho. Karamihan sa kanila, lalo na sa Honda, deka-dekada na ang itinagal sa serbisyo.

Posibleng marami sa kanila, mag-OFW bilang alternatibo. Pero paano naman ‘yung mga mahihirapang makahanap ng panibagong hanapbuhay? Paano ang pamilya nila sa araw-araw?

Sa mga ganitong pagkakataon, mahalaga na may ‘resilience plan’ ang gobyerno bilang paghahanda sa mga posibleng mangyari. At bukod sa usaping pagsasara ng foreign companies na ito sa bansa, nagbabadya ring si­rain ng COVID-19 ang ekonomiya.

Ito ang tinutukan ng isinagawa nating pagdinig nitong nakaraang linggo. Ang pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno na may kaugnayan sa industrialization at employment generation. Sa panahong nasa ala­nganin ang ekonomiya, dapat tukuyin ng pamahalaan kung ano sa mga programa nitong pangkabuhayan ang pinakatagumpay, ano-ano ang mga patuloy na umaangat at ano ang dapat gawin para masustina ang mga programang nakatutulong nang malaki sa publiko.

Isa sa mga nakikita nating may malaking hatak sa ekonomiya ang Tatak Pinoy initiatives. Kapag sinabing Tatak Pinoy, hindi lang ito produktong gawa sa Fii­pinas, kundi maging mga serbisyong magsusulong sa kalakalang Filipino – ang small and medium businesses na tutulungang umabante, makilala at umusbong sa pamamagitan ng programang ito. Kasi po, kasabay ng paglago ng small and medium businesses natin, ibig sabihin nito, mas marami ring malilikhang trabaho para sa Filipino.

Pangunahing layunin natin dito, gawing producer ang Filipnas at hindi lang manatiling consumer. Kailangan nating maging innovative, mag-invest at mag-produce.

Halagang P4.1 tril­yon ang ating  2020 national budget at sana, magamit ito ng mga kinauukulang ahensiya sa pagsusulong ng sarili nating industriya at sa pagpapalakas sa kalakalan. Mga manggagawang Pinoy ang tiyak na makikinabang dahil darami ang trabaho sa bansa.

Comments are closed.