KASUNOD ng pagbabalik-eskwela matapos ang Mahal na Araw, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang mga punong-guro na magpatupad muna ng blended learning sa gitna ng pangamba ng mga magulang sa banta ng pertussis o whooping cough at mainit na panahon.
“Nais nating paalalahanan ang mga punong-guro na kung may banta sa kaligtasan ng ating mga mag-aaral, maaaring magpatupad ang mga paaralan ng blended learning lalo na’t pinangangambahan natin ang banta ng pertussis at mas mainit na panahon. Maipagpapatuloy na natin ang edukasyon ng mga bata, mabibigyan pa natin ng prayoridad ang kanilang kalusugan at kaligtasan,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
May anim na lokal na pamahalaan sa Western Visayas ang nagsuspinde na ng klase nitong Abril 1 dahil sa init ng panahon. Nagsuspinde naman ang Iloilo City ng klase noong Abril 1 at ngayong Abril 2 mula pre-school hanggang senior high school dahil sa matinding init.
Upang matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon, nakasaad sa Department of Education (DepEd) Order No. 037 s. 2022 na kasunod ng pagkansela o pagsuspinde ng mga klase, maaaring magsagawa ng modular distance learning, performance tasks, o make-up classes.
Matapos ang konsultasyon sa mga stakeholders, kabilang ang mga guro at mga mag-aaral, iniurong ng DepEd ang pagtatapos ng School Year 2023-2024 sa Mayo 31 mula Hunyo 14. Matatandaang isinulong ni Gatchalian ang unti-unting pagbabalik sa dating school calendar.
Iniulat din dati ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services (PAGASA) na bagama’t mas kaunti ang mga maulang araw at kanselasyon ng klase dahil sa bagyo sa ilalim ng kasalukuyang school calendar, mas marami naman ang mga araw na tumatama sa matinding init.
Samantala, nagdeklara ng pertussis outbreaks sa Quezon City at Iloilo City. Nasa ilalim naman ng state of calamity ang Cavite dahil sa pertussis outbreak. Iniulat ng Department of Health (DOH) noong Marso 27 na umabot na sa 40 ang namatay dahil sa pertussis mula Enero 1 hanggang Marso 16.
Nanawagan din si Gatchalian sa mga punong-guro na magpatupad ng mga hakbang para sa kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral sa mga paaralan, kabilang ang pagsusulong ng maayos na respiratory hygiene at regular na paghuhugas ng kamay.
VICKY CERVALES