NAGPATUPAD ang Department of Agriculture (DA) ng temporary ban sa pag-angkat ng domestic at wild birds, at iba pang poultry products mula New Zealand makaraang iulat ng naturang bansa ang avian influenza (AI) o bird flu outbreak noong November 2024.
Ang hakbang ay makaraang opisyal na iulat ng New Zealand ang positibong resulta ng AI H7N6 strain mula sa domestic birds na sinuri sa East Otago, Waitaki, at Canterbury noong late November sa World Organization for Animal Health.
Sa ilalim ng DA Memorandum Order 01, saklaw ng ban ang domestic at wild birds, eggs, day-old chicks, semen, at poultry meat.
Suspendido rin ang pagproseso at pag-iisyu ng sanitary and phytosanitary import clearances (SPSIC) ng naturang mga produkto.
Ang pagpasok ng shipments na bumibiyahe na, naikarga na o nasa ports bago ang ban ay maaaring payagan, basta ang mga produkto ay naprodyus o kinatay bago ang Nobyembre 9, 2024.
“(The import ban) is crucial in preventing the entry of high pathogenic avian influenza into the Philippines, safeguarding the health of the local poultry population,” pahayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Aniya, ang poultry industry, kabilang ang egg production, ay isang multi-billion-peso sector na sumusuporta sa mahahalagang investments, lumilikha ng trabaho, at gumaganap ng mahalagang papel sa pagtiyak sa food security ng bansa. MA. LUISA MABUHAY-GARCIA