IGINIIT ni Senador Win Gatchalian sa Department of Education (DepEd) at sa Commission on Higher Education (CHED) ang agad na pamamahagi ng tulong pinansiyal na dapat sana ay ibinigay na sa mga mag-aaral sa pagtatapos ng school year 2018-2019.
Ang naturang tulong pinansiyal ay ibinibigay sa ilalim ng mga programang Senior High School Voucher Program (SHS VP) ng DepEd at ng Tertiary Education Subsidy (TES) ng CHED.
Ayon kay Gatchalian, makapagbibigay ito ng ginhawa sa mga pamilyang apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis. Bukod sa pagsisilbing ayuda para sa mga pamilyang apektado ng COVID-19, makatutulong din ang pondong ito sa mga pribadong paaralan, lalo na sa pagbibigay ng paunang sahod at 13th month pay ng mga kawani at guro.
“Kung may tamang panahon para putulin ng DepEd at CHED ang red tape, ito na ang pagkakataong gawin nila ito. Ngayong nasa gitna tayo ng isang matinding krisis dahil sa COVID-19, malaking ginhawa ang maitutulong ng voucher program at TES sa ating mga mag-aaral, mga magulang, mga guro, at mga kawani ng paaralan,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Ang SHS VP ay isang programang nagbibigay tulong pinansiyal sa mahuhusay ngunit nangangailangang mga mag-aaral upang makapag-aral sila sa mga pribadong paaralan, state at local universities and colleges, at sa mga technical and vocational institution.
Para sa school year 2018-2019, maaaring makatanggap ang mga mag-aaral ng tulong pinansiyal na nagkakahalaga ng P14,000 hanggang P22,500, depende kung saan ang lokasyon ng mga mag-aaral. Sa taong 2019, mahigit sa P14,000 pa ang dapat bayaran ng DepEd para sa SHS VP.
Ang halagang ito ay nakatakdang bayaran ng DepEd gamit ang halos P23.93 bilyong kasalukuyang budget para sa programa.
Sa ngayon, mahigit 1.2 milyong mag-aaral ang bahagi ng SHS VP.
Ang TES naman ay isa sa mga bahagi ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act 10931) o free tuition law.
Sa ilalim ng programa, maaaring makatanggap ang mga mag-aaral ng P40,000 ayuda para sa mga aklat, transportasyon, tirahan, at iba pang mga gastusin. At para sa school year 2018-2019, may P16 bilyong nakalaan para sa TES, ngunit P4.7 bilyon pa lamang ang nagamit dito sa pagtatapos ng taong 2018. VICKY CERVALES
Comments are closed.