HINILING ng isang Mindanaoan lawmaker sa mga credit card lender na bawasan ang ipinapataw nilang monthly interest sa kani-kanilang customers ngayong may nararanasang health crisis sa bansa.
Pagbibigay-diin ni Deputy Speaker at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, malaking tulong para sa nasa 10 milyong credit card user kung tutugunan ang naturan niyang panawagan.
Ayon sa ranking house official, ang apela niyang ito ay maituturing na ‘pain-sharing’ sa pagitan ng credit card users at ng credit card lenders sa panahong apektado ang hanapbuhay at negosyo ng marami dala ng COVID-19 pandemic.
Subalit ang malaking positibong maidudulot, aniya, sa pagbawas ng interest rate sa credit card ay ang pagkakaroon ng oportunidad na dumami ang mga bumibili, na makatutulong sa pagsigla ng retail o wholesale businesses, manufacturing at iba pang service-oriented na negosyo.
“This is not just about pain-sharing. We are actually counting on reduced interest rates to encourage cardholders to increase their spending, which is crucial now to create the extra demand for goods and services needed to revive domestic industries and prevent more job losses,” sabi pa ni Pimentel.
Bagam’t nagpapasalamat ang Surigao del Sur solon sa pagbibigay ng moratorium at hindi pagpapataw ng interest sa overdue credit bill, iginiit niya na mas malaking kapakinabangan at tulong kung babawasan din ang interest sa credit card.
Sinabi ni Pimentel na marapat lamang bumaba ang interest sa credit card bunsod na rin ng ginawang pagtapyas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa policy rate nito.
“To strongly spur lending to and borrowing by various sectors amid the crisis, the Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) cut its policy rate by 25 basis points on Feb. 6, 50 basis points on Mar. 19 and by another 50 basis points on Apr. 17, bringing the interest rate on its overnight reverse repurchase facility down to 2.75 percent per annum,” paalala niya.
Kaya naman hihilingin din ng mambabatas sa BSP na ilathala ang umiiral na interest rate ng bawat bangko sa kanilang credit card at iba pang pautang para maikumpara sa naging serye ng pagbawas ng Monetary Board sa policy rate nito at gayundin ay magkaroon ng ideya ang mga credit card user kung makatuwiran ang sinisingil sa kanila na interes.
Sa pagtaya ng industriya, umaabot sa P1.2 trilyon ang kabuuang halaga ng mga transaksiyon gamit ang credit card ang naitala sa bansa noong nakaraang taon. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.