(Sa gitna ng COVID-19 crisis) PROSESO SA LOAN PADALIIN

cecilia borromeo

HINILING ni Land Bank of the Philippines President Cecilia Borromeo na gawing simple ang proseso ng pagpapautang sa ilalim ng mga lending program ng pamahalaan.

Sa virtual meeting ng House Defeat COVID-19 Committee, sinabi ni Borromeo na dapat na luwagan at padaliin ang pamamaraan para sa regular loans ngayong nahaharap sa krisis ang bansa.

Hinikayat ni Borromeo ang regulatory entities na gawing madali ang proseso sa registration process at maaari aniyang maging katuwang dito ang LandBank, lalo na sa mga lending program para sa  micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Aniya, maaari ring makatuwang ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang LBP para sa subsidy program ng mga manggagawa at iba pang tulong pinansiyal ng gobyerno.

Dagdag pa ng opisyal, makatutulong din ang LBP para sa pangangalaga at pamamahagi ng special funds para sa loan ng Department of Agriculture (DA) sa mga benepisyaryong magsasaka.