HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ang banking community na suspendihin ang koleksiyon ng mga bayarin sa online money transfers sa gitna ng patuloy na paglobo ng mga kaso ng COVID-19.
“Mas mainam kung ang publiko ay gagamit ng electronic banking upang mabawasan ang mga face-to-face na transaksiyon lalo na’t pinaiksi ng ilang bangko ang kanilang oras ng operasyon at may mga iba na pansamantalang nagsara dahil may mga empleyado silang nahawaan o may mga sintomas ng COVID-19,” ani Gatchalian.
“Ngayon na karamihan ay may mga hinaharap na karagdagang gastusin gaya ng pambili ng gamot, COVID-19 testing fees at pagpapaospital, makakagaan kung ang mga money transfer services ay wala munang service fee bilang pansamantalang hakbang sa pagtulong sa publiko,” dagdag ng vice chairperson ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies.
Ang rekomendasyon ni Gatchalian ay ginawa na rin dati ng BSP at ng BSP-supervised financial institutions (BSFIs) noong isinailalim ang Kalakhang Maynila sa enhanced community quarantine (ECQ) noong Abril 2020 at noong pinalawig pa ito hanggang Mayo ng nasabing taon.
Bagaman nagsuspinde ang ilang bangko ng kanilang electronic fund transfer (EFT) service fees sa InstaPay at PESONet hanggang noong katapusan ng nakaraang taon, sa ibang bangko naman ay umaabot sa P775 ang kada isang transaction fee ng PESONet na may transaction limit na P200,000 kada araw at umaabot sa P40 ang transaction fee kada araw ng ilang bangko sa InstaPay na may arawang transaction limit na P50,000.
“Mas makabubuti kung ang mga financial institution at mga kompanyang nag-aalok ng mga serbisyong e-wallet ay magsuspinde rin ng kanilang singil upang makatulong sila na mabawasan ang pila sa pagbabayad, halimbawa na lang sa mga bangko,” sabi pa ng senador.
“Dahil dito, maeengganyo pa natin ang ating mga kababayan na manatili na lang sa kanilang mga tahanan at idaan na lang ang transaksiyon sa pamamagitan ng online. Mas mapapabilis na ang serbisyo, makakaiwas pa sa sakit. Mas mapapabilis ang pagbabalik normal ng ating pamumuhay kung magtutulungan tayo,” sabi ni Gatchalian.
Sa pinakahuling datos ng BSP, tumaas ang bilang ng digital payments sa 20.2% noong 2020 mula sa 14% noong 2019. Ibig sabihin, isa sa limang transaksiyon noong nakaraang taon ay sa pamamagitan ng digital transaction, ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno. ‘VICKY CERVALES