TINIYAK ng Department of Energy (DOE) na may sapat na suplay ng koryente ang bansa sa kabila ng pagsisimula ng tag-init at ng nagpapatuloy na El Niño phenomenon.
Ayon kay Energy Assistant Secretary Mario Marasigan, ang Luzon ay mayroon pang 2,000 megawatts, habang ang Visayas at Mindanao ay kulang pa ng 200-megawatts sa tinatayang peak demand nito.
“Wala pa po tayong kakulangan sa supply ng koryente. ‘Yung ating demand ay hindi pa umaakyat sa ating projected na peak demand sa taon na ito,” aniya.
“Wala pa po tayong pangamba na magkukulang either ‘yung ating suplay ng koryente o yung ating tinatawag na reserve,” dagdag pa niya.
Kabaligtaran ito ng naunang pahayag ng DOE na ang Luzon grid ay maaaring makaranas ng “Yellow Alert” sa Abril at Mayo dahil sa epekto ng El Niño sa hydroelectric power plants.