(Sa gitna ng El Niño) MANUFACTURERS BUKAS SA PRICE FREEZE

BUKAS ang mga manufacturer ng essential goods na huwag magtaas ng presyo sa gitna ng epekto ng  El Niño sa bansa, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Nakipag-usap si Trade and Industry Secretary Fred Pascual sa mga manufacturer upang talakayin ang posibleng pagpapatupad ng price freeze.

Ayon sa DTI, nagpahayag ang mga kinatawan mula sa mga nangungunang manufacturer at retailer ng pagiging bukas sa  voluntary price freeze sa essential goods upang maibsan ang  paghihirap ng mga pamilyang Pinoy.

“”Naiintindihan namin ang hirap na dinaranas ng mga pamilyang Pilipino dahil sa El Niño. Nakatutok ang DTI sa pagtiyak na tama ang presyo ng mga bilihin, pagprotekta sa kapakanan ng mga konsyumer, at pagsiguro na ang mga retailer ay responsible sa maayos na pagpapatakbo ng kanilang negosyo,” sabi ni Pascual.

Ang DTI ay nakipagpulong sa mga key player tulad ng Monde Nissin Corporation, Unilever Philippines, Inc., Coca-Cola Beverages Philippines, Universal Robina Corporation, Nestle Philippines Inc., Procter and Gamble Philippines, Inc., Century Pacific Food Inc., Alaska Milk Corporation, CDO Foodsphere, Nutri Asia, SM Supermarket, at Robinsons Supermarket.

Mahigit 100  local government units na  ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa mga epekto ng El Niño sa kanilang mga lugar.

Sa ilalim ng Price Act na ipinatupad ng DTI, ang presyo ng basic necessities sa calamity-hit areas ay awtomatikong naka-freeze sa loob ng 60 araw.