(Sa gitna ng El Niño – MWSS)WATER SUPPLY SA METRO SAPAT

TUBIG-12

PINAWI ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang pangamba hinggil sa posibleng kakulangan sa suplay ng tubig sa gitna ng banta ng El Niño phenomenon sa huling bahagi ng taon.

Ayon sa MWSS, ang kapasidad ng Angat Dam ay nananatiling sapat para sa pangangailangan ng Metro Manila sa buong taon.

Sinabi ni MWSS Administrator Leonor Cleofas na sa simulations na isinagawa ng isang technical working group (TWG) sa Angat Dam – na nagsusuplay ng 90% ng water requirements ng Metro Manila at mga kalapit na lalawigan — lumitaw na ang lebel ng dam ay mananatiling “comfortable” sa buong panahon ng tag-init.

“We can say that Angat Dam is at a comfortable level. In a simulation to identify what our elevation will be come August or the end of the summer season, our prognosis is still good. Our water level is still high,” ani Cleofas.

Hanggang nitong Martes, March 28, ang water elevation level ng Angat Dam ay nasa 203.25 meters, mataas pa rin sa minimum operating level nito na 180 meters.

Dagdag pa niya, ang epekto ng El Niño – na inaasahang magsisimula sa Hunyo hanggang sa first quarter ng 2024 – ay mararamdaman sa huling bahagi ng taon at sa unang bahagi ng susunod na taon.