MAY 1,000 magsasaka sa Oriental Mindoro ang inaasahang makatatanggap ng tulong sa gitna ng epekto ng El Niño sa kanilang mga sakahan.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary Arnel de Mesa, ito ay sa pamamagitan ng no interest at non-collateral Survival and Recovery Assistance (SURE) loan program ng ahensiya.
“‘Yung insurance claim about P20,000 per farmer. ‘Yung ACPC is about P25,000 na survival at recovery loan,” pahayag ni De Mesa, patungkol sa Agricultural Credit Policy Council.
Bukod sa tulong, ang mga magsasaka ay tatanggap din ng mga buto at fertilizers.
Ayon kay De Mesa, may P4 million na halaga ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) ang nakatakda ring ipamahagi sa mga magsasaka sa lalawigan.
Dalawang bayan sa Oriental Mindoro — Bulalacao at Mansalay — ang isinailalim sa state of calamity dahil sa matinding epekto ng tagtuyot na sanhi ng El Niño phenomenon.
Sa ulat ng Department of Agriculture (DA) ay pumalo na sa P1.31 billion ang pinsala ng El Niño sa agrikultura hanggang mid-March.
Ayon sa DA, hanggang noong Marso 12, karamihan sa pinsala ay nakaapekto sa 14,142 ektarya ng taniman ng palay.