(Sa gitna ng El Niño phenomenon) SEGURIDAD SA PAGKAIN TUTUTUKAN

NAKATUTOK ang Department of Agriculture (DA) sa pagtiyak sa seguridad sa pagkain sa susunod na taon sa gitna ng hamon ng El Niño at mga banta ng external price at supply shocks.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., kumpiyansa siya na nagkakaisa at determinado ang ahensiya sa pagsusulong ng mas malaking produksiyon ng pagkain sa kabila ng mga hadlang at limitasyon.

Hiniling ni Laurel ang kooperasyon ng lahat, lalo na sa hamon ng pagtupad sa mandato ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pataasin ang produksiyon ng pagkain at patatagin ang mga presyo para sa kapakinabangan ng mga magsasaka at mangingisda, pati na rin ng mga mamimili.

Ang mga bansang nag-e-export ng pagkain tulad ng India ay nagpatupad ng ban sa pag-export ng bigas at sibuyas habang ang iba ay nag-iimbak ng mga suplay ng pagkain bilang paghahanda sa El Nino. Nagbabala ang Department of Science and Technology (DOST) laban sa  El Niño na maaaring makaapekto sa 65 sa 81 mga lalawigan sa Mayo, kung saan mas mababa sa normal ang pag-ulan sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan.

Ang matagal na dry spell ay makaaapekto sa produksiyon ng pagkain, lalo na ang water-dependent rice, na pangunahing pagkain ng mga Pilipino.

Nagpapatupad ng mga hakbangin ang DA, bilang miyembro ng El Niño Task Force,  upang mabawasan ang epekto ng weather phenomenon, sa pamamagitan ng pagpapalakas sa mga pasilidad ng irigasyon, pagpapatibay ng mga alternatibong pamamaraan ng pagtatanim ng palay na nangangailangan ng mas kaunting tubig, pagpapakalat ng mga hayop, at pagbibigay ng alternatibong kabuhayan sa mga magsasaka at mangingisda.

PAULA ANTOLIN