(Sa gitna ng epekto ni ‘Betty’) PRESYO NG BILIHIN SA METRO ‘DI GUMALAW

NANATILI o halos hindi gumalaw ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado, partikular na ang gulay sa gitna ng posibleng epekto ng bagyong Betty.

Batay sa tala ng Department of Agriculture (DA), walang naging paggalaw sa presyo ng gulay sa Metro Manila, kung saan ang presyo ng carrots, ampalaya, repolyo, at sitaw ay nananatili sa P60 kada kilo.

Mabibili naman sa halagang P70 kada kilo ang patatas; P40 ang kada kilo ng sayote; P50 ang kada kilo ng pechay; habang P35 naman ang kada kilo ng kamatis.

Sa pag-iikot naman ng DWIZ, sa Marikina public market, mula sa dating P156 kada kilo, ang presyo ng manok ay bumaba sa P140, habang naglalaro naman sa P260 hanggang P290 ang kada kilo ng baboy.

Nasa P160 ang kada kilo ng sibuyas, P90 sa kada kilo ng bawang, P50 ang kada kilo ng talong, P10 ang kada tali ng kangkong at talbos, habang makabibili rin ng kadasupot ng siling pula at berde sa halagang P10 –P 20.

Sa Pasig City public market, pagdating sa presyo ng isda, nagkakahalaga nama ng P150 ang kada kilo ng bangus, P110 ang kada kilo ng tilapia, P160 ang kada kilo ng galunggong, P50 ang kada ¼ ng maliliit na isdang tawilis, habang P240 naman ang kada kilo ng mackerel.

Maaari ring makabili ng alimasag na nagkakahalaga ng P250 kada kalahating kilo, habang nasa P90 – P120 naman ang kada ¼ ng hipon.

-DWIZ 882