NAGBITIW sa kanyang posisyon si Land Transportation Office chief Jose Art Tugade sa gitna ng kontrobersiya sa kakulangan ng plastic na driver’s license.
Dakong tanghali ng Lunes nang pumutok ang pagbibitiw ni Tugade.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Tugade na magkaiba ang pamamaraan ng LTO at Department of Transportation (DOTr) para maging matagumpay ang pagsisilbi sa publiko.
“For this reason, I am stepping down, so Sec. Jimmy Bautista will have the free hand to choose who he can work best with,” aniya.
Pagtitiyak naman ni Tugade na patuloy niyang susuportahan ang LTO bilang pribadong mamamayan.
“I will always share in Sec. Bautista’s belief that our offices can be a formidable force for good in our country,” pahayag ni Tugade.
Sa ngayon ang LTO ay nasa gitna ng kontrobersiya sa kakapusan ng plastic para sa driver’s license maging ng mga plaka ng sasakyan.
Anim na buwan lamang sa puwesto si Tugade dahil Nobyembre ng nakaraang taon nang italaga ito sa puwesto.