“HUWAG kayong mangamba ngayong Pasko ng Pagsilang.”
Ito ang payo ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang mga mananampalatayang Filipino ngayong Pasko.
Tiniyak pa ni Brown na nananatili ang Diyos sa bawat isa, sa kabila ng iba’t-ibang hamong kinakaharap tulad ng krisis pangkalusugang dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na laganap sa buong daigdig.
“Do not be afraid! God is here even in the midst of these difficulties; He is close to you, He loves you and He will carry us through these difficulties,” ani Brown sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Sa ikatlong Misa de Gallo ng St. Anthony of Padua Parish sa Malate, Manila na pinangunahan ni Arhcbishop Brown, binigyang-diin nito sa kanyang pagninilay ang gawi ni San Jose na sa kabila ng mga pangamba ay buong pusong sumunod at nagtiwala sa Panginoon.
Ipinagdarsal ni Brown na tulad ni San Jose ay tularan ng bawat mananampalataya ang kababaang-loob sa pagsunod sa mga plano ng Diyos.
Inihayag ng kinatawan ng Santo Papa na sa tulong ng habag at awa ng Panginoon ay malalampasan ng bawat tao ang pagsubok na kinakaharap ng sambayanan.
“These things will pass, these difficulties especially this COVID-19 will not last forever; the Lord is with you,” dagdag pa ni Brown.
Nagagalak ang Arsobispo nang personal na masaksihan ang masidhing pananampalataya ng mga Filipino sa kanyang unang public mass bilang Apostolic Nuncio ng bansa.
Itinuring nito ang Simbang Gabi na isang magandang uri ng ‘inculturation’ ng pananampalatayang Kristiyano lalo’t ang Pilipinas ang ikatlo sa mga bansang may pinakamaraming Katoliko sa buong daigdig na aabot sa mahigit 80-milyong katao.
“It shows the beautiful inculturation of the Catholic faith in the Philippines, a beautiful testament of the faith of the Filipino faithful,” anang arsobispo.
Nagpasalamat naman si Rev. Fr. Benny Tuazon, parish priest ng St. Anthony of Padua parish kay Archbishop Brown sa pagkakataong inilaan na makapagdiwang ng simbang gabi sa parokya.
Sa huli ay hinikayat ng Apostolic Nuncio ang mga mananampalataya na patuloy na manalangin at kumapit sa pag-asang hatid ng Panginoong Hesus na isilang para sa kaligtasan ng buong sambayanan. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.