(Sa gitna ng mataas na presyo ng langis) HOARDING, PROFITEERING BANTAYAN

Sherwin Gatchalian

DAHIL sa kawalan ng price ceiling sa mga pangunahing produkto sa gitna ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, nanawagan si Senador Win Gatchalian ng ibayong pagbabantay laban sa pagsasamantala ng ilang negosyante gaya ng pagtataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin kahit na walang sapat na batayan.

“Maging mapagmatyag tayo sa anumang pagtatangka ng ilang mapagsamantalang negosyante sa kasalukuyang sitwasyon. May ilan na nagtataas ng presyo ng mga bilihin kahit na walang sapat pang dahilan para gawin ito o kaya naman ay itinatago ang kanilang mga produkto para ibenta kapag mataas na ang presyo,” ani Gatchalian.

Nanawagan ang re-electionist senator sa mga sektor ng konsyumer, agrikultura, pangkalakalan, pati na ang manufacturing sector na makipagtulungan sa Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) sa pag-monitor sa anumang iligal na gawain tulad ng pagmamanipula ng presyo, hoarding, profiteering at kartel.

Paalala ni Gatchalian, vice chairperson ng Senate Committee on Economic Affairs, na sa ilalim ng Section 15 ng Price Act o Republic Act No. 7581, may parusang pagkakakulong na hindi bababa sa limang taon hanggang 15 na taon at multang P5,000 hanggang P2,000,000 ang ipapataw  sa mga napatunayang nagkasala sa pagmamanipula ng presyo ng anumang pangunahing bilihin o prime commodity.

Sa ilalim ng nasabing batas, ang price freeze ay awtomatikong ipinapataw sa mga presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga lugar na nasa state of calamity o state of emergency. Maaaring magpataw ng price ceiling sa anumang pangunahing bilihin o pangangailangan kung hindi ito maiiwasan, dahil sa epekto dala ng kalamidad o kung may laganap o malawakang pagmamanipula ng presyo at kung may hindi makatuwirang pagtataas sa umiiral na presyo ng anumang pangunahing bilihin o prime commodity.

Sa kabila ng serye ng pagtaas ng presyo ng gasolina at patuloy na tensiyon sa pagitan ng Ukraine at ng Russia, sinabi ng DTI na aabutin ng tatlong buwan bago mangyari ang anumang paggalaw sa presyo ng mga bilihin dahil ang imbentaryo ng mga produkto ay maaaring tumagal ng 30 hanggang 90 na araw.

Kabilang sa mga pangunahing bilihin ang bigas, mais, tinapay, dried o canned fish, sariwang karne, poultry meat, itlog, gatas, gulay, asukal, mantika, asin, sabong panlaba, gayundin ang mga gamot na itinuturing ng Department of Health (DOH) na essential drugs.

“Iligal na samantalahin ang sitwasyon kung saan halos lahat ay nagsusumikap na mabawi ang nawalang ipon at kita sa nakalipas na dalawang taon bunsod ng COVID-19 pandemic,” sabi ni Gatchalian. VICKY CERVALES