(Sa gitna ng oil price hikes) PRESYO NG MANOK, BABOY SUMIRIT

SUMIPA ang presyo ng karne ng baboy at manok sa ilang pamilihan sa Metro Manila kasunod ng serye ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa ulat ng ABS-CBN News, sa Mega Q Mart sa Quezon City ay pumalo na sa P420 ang presyo ng kada kilo ng liempo at P340 naman ang kasim. Mas mataas ito ng P10 kumpara sa dati nitong mga presyo.

Mula sa P190 kada kilo ay tumaas naman ang presyo ng manok (choice cuts) sa  P200.

Ayon sa mga nagtitinda, kulang din ang supply ng manok na dumadating ngayon sa palengke, na posibleng bunga ng oil price increases.

May 11 sunod-sunod na linggo nang nagmahal ang presyo ng mga produktong petrolyo pero ngayong Martes ay magpapatupad ng rolbak ang mga kompanya ng langis.

Sa Galas Public Market sa Maynila ay P20 naman ang itinaas ng presyo ng kada kilo ng baboy.

Mula P300 kada kilo ay P320 na ngayon ang presyo ng kasim habang nasa P380 na ang kada kilo ng liempo.

Tumaas naman sa P190 ang kada kilo ng manok.

Ayon sa mga nagtitinda sa Galas, mataas ang kuha nila sa kanilang mga supplier sa norte.