(Sa gitna ng oil price hikes) TAAS-SINGIL SA PASAHE MALABO

MALABONG magpatupad ng dagdag-singil sa pasahe sa mga pampublikong sasakyan matapos ang sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng petrolyo, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon kay LTFRB chairperson Martin Delgra, iniiwasan ng Department of Transportation (DOTr) na madagdagan ang pasanin ng mga commuter.

“Ang ginagawa po natin dito [ay] tugunan ‘yung hinaing ng ating operator but without having a much more negative impact sa mga commuter,” aniya.

Kinumpirma ni Delgra na nakatanggap ng petisyon ang LTFRB para sa taas-pasahe.

Aniya, sa halip na magtaas ng pasahe ay tutulungan ng DOTr ang public transport sector  na matugunan ang kanilang financial needs sa pamamagitan ng service contract programs at  “Pantawid Pasada” cash aid.

Nitong Martes ay muling nagpatupad ang mga kompanya ng langis ng big-time price hike.

Ito na ang ika-6 na sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng petrolyo.

Ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P1.05, diesel ng P1.20, at kerosene ng P1.25.