ISANG araw makaraang umabot na ang oil spill sa Calapan City, Oriental Mindoro, sinabi ng lokal na pamahalaan na maaari pa ring makapangisda ang mga residente.
“Maaari pang pumalaot at mangisda ang ating mga kababayang mangingisda sa municipal waters ng Calapan City,” wika ni Calapan City Mayor Malou Morillo.
Ayon kay Morillo, ang desisyon na huwag magpatupad ng fishing ban ay nabuo makaraan ang pakikipagpulong sa mga opisyal ng local disaster management at mula sa rekomendasyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Sinabi ni Calapan City Administrator Raymund Ussam na iniulat ng mga eksperto mula sa BFAR na wala pang indikasyon na ang mga isda sa lugar ay naapektuhan ng slick.
Upang matiyak na ang marine products ay ligtas kainin, ang sensory inspection teams mula sa Calapan Fisheries Management Office at BFAR ay patuloy na magmo-monitor sa markets at fish landing areas, ani Morillo.
“Hinihikayat din po ang mga taumbayan na maging mapanuri sa mga palatandaan ng kontaminasyon ng mga isda at ibang lamang-dagat na ibinebenta sa ating mga pamilihan,” dagdag pa niya.
Noong March 12 ay iniulat ng Department of Social Welfare and Development na may 137,230 individuals mula sa 121 barangays sa MIMAROPA at Region 6 ang naapektuhan ng slick.