(Sa gitna ng pagpapabuti ng PH unemployment rate) BONG GO MULING NAGPAALALA NA MAGPABAKUNA

HABANG pinupuri ang mababang unemployment rate, hinikayat din ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga Pinoy na magpa-vaccine at magpa-booster lavan sa COVID-19 upang mabilis ang pagbawi ng ekonomiya. Ang mataas na vaccination rates ay nagdulot ng pagluluwag sa health protocols, na nagbukas sa ekonomiya.

“I am happy na bumababa na po ang bilang ng mga nawawalan ng trabaho, nakakabalik na po sila sa normal na trabaho,” sabi ni Go sa ambush interview matapos magkaloob ng ayuda sa Malvar, Batangas noong Disyembre 8.

“Kasi part na po ito ng ating vaccination program, ‘yung ginawa po ni dating pangulong (Rodrigo) Duterte na unti-unti nga pong buksan ang ekonomiya… kapag bakunado, mas protektado, mas makakabalik tayo sa ating normal na pamumuhay.”

“’Pag bumukas ang ekonomiya, papasok po ang investor, papasok muli ang businesses at babalik na sa trabaho. Ibig sabihin, magbubukas na po ang mga negosyo at (babangon muli) kabuhayan natin,” dagdag ng senador.

“Bumabalik na ang trabaho. Pinapatawag na nga po ang iba na nawalan ng trabaho noon… isa po sa dahilan kaya nakabalik tayo sa normal na pamumuhay ay dahil po sa bakuna,” dagdag nito,.

Ayon sa ulat na inilabas ng Philippine Statistics Authority nitong Miyerkoles, bumaba ang unemployment rate sa bansa mula 5% noong Setyembre ng taong ito hanggang 4.5% noong Oktubre ng 2022.

Bumaba iyon mula sa 3.5 milyong Pilipinong walang trabaho noong nakaraang taon hanggang 2.24 milyon noong Oktubre ngayong taon, kung saan 1.26 milyon ang umiiwas sa kawalan ng trabaho ngayong taon sa kabila ng mataas na inflation.

“Kaya nananawagan ako sa ating mga kababayan na magpabakuna po kayo, kapag qualified na po kayo sa booster shots. ‘Wag n’yo pong sayangin ang pagkakataon,” panghihimok nito.

“Madami pong bakuna sa gobyerno, ‘yung iba nga po nag-e-expire na. Kung qualified na po kayo, magpa-booster na po kayo,” giit nito.

Nauna nang hinimok ni Go ang gobyerno na unahin ang pagtiyak na makikinabang ang mga ordinaryong Pilipino sa paglago ng ekonomiya ng bansa upang maiwasan ang gutom at matiyak na walang Pilipinong maiiwan sa landas tungo sa ganap na pagbangon ng bansa.