UMAPELA si House Appropriations Commitee Vice Chairman at Makati Rep. Luis Campos Jr., sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ipagpaliban ang nakaambang implementasyon ng taas-singil sa transaksiyon sa mga automated teller machine (ATM).
Epektibo sa Abril 7 ay inanunsiyo ng Bank of the Philippine Islands (BPI) na ang non-BPI cardholders na gagamit ng BPI ATMs ay sisingilin ng P2 para sa balance inquiry at P18 para sa withdrawal.
Mas mataas ito sa kasalukuyang P1.50 at P15 na ipinapataw sa balance inquiry at withdrawal transactions, ayon sa pagka-kasunod.
Maniningil din ang Metrobank ng kaparehong fees simula sa Abril 7.
Nasa P7.50 naman ang withdrawal fee nito para sa PSBank cardholders na gagamit ng Metrobank ATMs.
Samantala, epektibo rin sa Abril 7, ang UCPB ay maniningil sa non-UCPB cardholders ng P2 para sa balance inquiry at P15 para sa withdrawal.
Inaasahan naman na susunod dito ang iba pang mga bangko maliban kung ito ay sususpendihin ng BSP.
Ayon kay Campos, ang bagong charging model ng ATM ay magdudulot ng 63% na pagtaas sa mga user fees.
Iginiit ni Campos na huwag na muna itong ipatupad sa gitna ng pandemya kung saan apektado ang lahat ng pagbagsak ng ekonomiya at ng mataas na bilihin.
Aniya pa, kakayanin naman ng mga bangko na ipako sa kasalukuyang singil ang kanilang ATM transactions. CONDE BATAC
Comments are closed.