SA GITNA NG PANDEMYA, TULOY ANG PASKO AT TULOY ANG MMFF

Magkape Muna Tayo Ulit

ILANG araw na lang at ang buong sambayanan ay magdiriwang ng Pasko. Subali’t hindi tulad ng dati, mahigpit na pinaaalala ng ating pamahalaan na ipinagbabawal ang selebrasyon tulad ng mga Christmas party at mga hawig na pag-titipon na maaring magpapalala ng pagkalat ng Covid-19. Kaya naman masasabi natin na kakaiba ang ating paggunita ng Pasko ngayong 2020.

Gayun pa man, tuloy pa rin ang diwa ng Pasko. May mga pagbabago lamang tulad ng paggamit ng modernong teknolohiya na pamamaraan na magkita-kita ang mga mahal natin sa buhay at mga kaibigan. Sa pamamagitan ng ating mga computer ay maaring magkaroon ng pagtitipon upang mag-usap at magkita-kita sa pamamagitan ng ‘zoom meetings’. Kaya naman maliban sa paggamit sa trabaho, ginagawa rin itong pamamaraan upang magkaroon ng Chirstmas zoom party.

Isa sa mga hindi nawawala tuwing Pasko sa Metro Manila ay ang pag-ganap ng taunang Metro Manila Film Festival (MMFF) kung saan nabibigyan ng pagkakataon ang mga pelikulang Pilipino na gumawa ng kanilang obra maestra na mag-bibigay aliw sa ating mga   kababayan.

Ngayong 2020, bagama’t ipinagbabawal ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Covid-19 ang pagbubukas ng sinehan, ang MMFF ay magpapatuloy pa rin. Ang MMFF ay nagkaroon ng exclusive partnership sa Globe at Sphere Entertainment, Inc. (UPSTREAM). Sa pamamagitan ng video streaming platform/app mula sa UPSTREAM at GMovies ticketing platform na hatid ng Globe Telecoms, maaari nang mapanood natin ang pelikulang Pilipino na lalahok sa 2020 MMFF.

Imbes na dating walong pelikula na ipinapalabas ng MMFF, sa taong ito, minarapat nilang gawing sampung pelikula ang lalahok upang mas marami ang maaring mapanood ng mga kababayan natin, hindi lamang sa Filipinas, mapapanood din ito sa ibang bansa.

Ang mga kalahok sa 2020 MMFF ay samu’t saring tema mula sa family drama, horror, action, thriller, romance, fantasy adventure at romantic comedy. Ang 10 official entries ay ang mga sumusunod: Magikland ng Brightlight Productions; Coming Home ng Maverick Films, ALV Films; The Missing mula sa Regal Entertainment; Tagpuan ng Alternative Vision Cinema; Isa Pang Bahaghari ng Heaven’s Best Entertainment; Suarez, the Healing Priest ng Viva Films at Sarangola Media; Mang Kepweng, Ang Lihim ng Bandang Itim ng Cineko Productions; Pakboys Takusa ng Viva Film; The Boy Foretold by the Stars mula sa Clever Minds; at Fan Girl ng Black Sheep and Globe Studios.

 

Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim na siyang concurrent Chairman ng MMFF, nagagalak siya na kahit na ano pang hamon na hinaharap ng Filipino, naniniwala siya sa determinasyon at sikap ng Pilipino na makabangon at magtagumpay. Nakasisiguro si Lim na ang lahat ng mga pelikulang mapapanood sa 2020 MMFF ay makakatulong upang magpasaya sa mga pamilyang Pinoy kahit saan man sa mundo nitong Kapaskuhan.

Nais ko din batiin at i-congratulate ang isang masigasig ng opisyal ng MMDA na si Atty. Don Artes, na siyang executive chairman ng MMFF, tahimik nguni’t epektibo sa pamamalakad ng MMFF sa pamumuno ni Chairman Lim.

Noong 2019, mahigit P955-M ang kinita ng MMFF. Hindi man mahigitan ang tagumpay sa takilya noong nakaraang taon, inaasahan na hindi rin luhaan ang MMFF ngayong 2020 sa gitna ng pandemya. Kaya naman suportahan natin ang 2020 MMFF na mapapanood UPSTREAM via worldwide streaming mula Dec. 25 to Jan. 7.

Comments are closed.