SA KABILA ng mga panawagan ng mga manggagawa sa harap ng tumataas na presyo ng mga pangunahing blihin, malabong magkaroon ng dagdag-sahod sa panahong ito na malaki ang epekto ng COVID-19 pandemic sa mga negosyo, ayon sa presidente ng isang business group.
Sa panayam sa isang television news radio program, sinabi ni Sergio Ortiz-Luis Jr., presidente ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), na bagama’t nakikisimpatiya siya sa mga manggagawa na nahihirapan na sa mataas na presyo ng mga bilihin, maaaring hindi ito ang tamang panahon na magpatupad ng wage hike.
Ayon kay Ortiz-Luis, maraming kompanya ang nalulugi at posibleng magsara dahil sa economic impact ng pandemya.
“Ninety percent ng ating mga enterprises ay micro [enterprises]. Kalahati doon nagsara na at ‘yung iba doon, nag-iisip na magsara o nahihirapan,” aniya.
Dagdag pa niya, “Kahit malalaking kompanya ngayon nagsasara, at ang dami, nakita ko ang mga listahan ng mga nagbebenta ng mga hotel at mga kompanya na nagbabalak magsara.”
Sinabi ni Ortiz-Luis na bago pa man tumama ang pandemya ay humihirit na ang mga empleyado ng taas-sahod, ngunit mas mahirap ngayon na ibigay ang kanilang kahilingan dahil apektado rin ang mga negosyo ng global health crisis.
“Medyo malabo siguro makalusot ‘yan dahil siyempre ang prayoridad natin ay to maintain the jobs. Wala kang make-create na jobs ngayon except ‘yung ilan-ilan, ‘yung nagluluto ng pagkain, nagde-deliver, ilan lang ‘yun.”
Comments are closed.