(Sa gitna ng power outage) PRICE FREEZE SA SIARGAO

NAGPATUPAD ang Department of Trade and Industry sa Surigao del Norte (DTI-SDN) ng 60-day price freeze sa basic goods sa Siargao Island, kasunod ng deklatasyon ng state of calamity dahil sa nagtatagal na power outage.

Sa isang statement nitong Miyerkoles, sinabi ng DTI-SDN na ang hakbang ay alinsunod sa Republic Act 7581, o ang Price Act, na nagmamandato na ang presyo ng basic necessities ay mananatili sa umiiral na lebel nito sa loob ng 60 araw o hanggang alisin ang state of calamity.

“Section 6 of the law states that the prices of basic necessities shall be frozen at their prevailing prices for 60 days or until sooner lifted whenever there is a declaration of a state of emergency, calamity, or other similar conditions,” ayon sa DTI-SDN.

Idineklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Surigao del Norte ang state of calamity noong Martes para sa Siargao at Bucas Grande Islands, tinukoy ang nagpapatuloy na power outage na nakaaapekto sa siyam na bayan magmula pa noong Disyembre 1.

Sa ilalim ng hurisdiksiyon ng DTI, sakop ng price freeze ang canned fish at marine products, instant noodles, bottled water, tinapay, processed milk, kape, kandila, laundry soap, detergent, at asin. Saklaw rin nito ang agricultural products tulad ng bigas, mantika, fresh at dried marine products, itlog, karne, gatas, gulay, root crops, asukal, at prutas.

Ayon sa DTI-SDN, ang presyo ng essential drugs ay nire-regulate ng Department of Health (DOH), habang ang presyo ng household liquefied petroleum gas at kerosene ay nasa ilalim ng Department of Energy (DOE).

“This measure aims to safeguard consumers against price hikes during the ongoing power crisis in the region,” ayon sa ahensiya.

Ang mga negosyo na lalabag sa price freeze ay mahaharap sa parusang pagmumulta ng P5,000 hanggang P1 million at pagkakakulong ng isa hanggang 10 taon.

Hanggang press time, ang DOH, DOE, at Department of Agriculture ay hindi pa naglalabas ng kani-kanilang direktiba para sa price controls. ULAT MULA SA PNA