SA patuloy na pagsasagawa ng registration para sa National ID, sinimulan na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pamamahagi ng National Identification System (PhilSys) registration kits sa 32 provincial offices ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong nakalipas na Linggo.
Hinati ni AFP chief of staff Gen. Gilbert Gapay sa tatlong major service command ang pamamahagi ng registration kit sa buong Pilipinas.
Responsabilidad ng Philippine Army na magkaloob ng logistics support at paghahatid ng registration kits sa PSA provincial offices sa Luzon, habang sa Philippine Navy naman ibinigay ang pamamahagi sa Visayas, at sa Philippine Air Force naman ang PSA provincial offices sa Mindanao.
Nauna nang ibinigay ng NEDA sa AFP noong nakaraang Oktubre 30, at inihatid sa PSA head office sa Diliman, Quezon City noong Nobyembre 6.
At mula sa PSA head office ay ibinahagi naman ang registration kits sa tatlong AFP major services upang pangasiwaan ang paghahatid ng mga ito sa mga target provinces sa tatlong rehiyon bagong mag-Nobyembre 12, 2020.
Nabatid na humingi ng tulong si Acting NEDA Secretary Karl Kendrick Chua sa AFP sa pamamagitan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na bigyan ng logistics support and transportation ang may 4,000 registration kits sa 655 siyudad at munisipalidad sa buong bansa.
Layon nito na matiyak na safe at secured ang pag-transport sa PhilSys registration kits lalo na at limitado pa rin ang inter-island at provincial transportation sa mga probinsiya dahil umiiral pa rin ang community quarantine sa buong bansa.
Kaugnay nito, positibo ang pananaw ni Gapay na malaking tulong ang national ID system sa pagpapanatili sa peace and order at mahihirapan na ang criminals, terrorists at iba pang lawless elements na mag-assume ng pekeng identities na maghahasik ng krimen at terorismo sa bansa.
“The National ID System will help us and other law enforcement agencies to curb criminality and terrorism as we can now validate and expose criminals’ identities and prevent them from hiding in other law-abiding citizens’ identity. This will also constrain and lose their freedom of movement, and they will be isolated and unable to transact business as no official identification can be presented when demanded,” pahayag ni Gapay. VERLIN RUIZ
Comments are closed.