(Sa halagang P120 balik-alindog ang sirang sapatos) ANG MAHIKANG KAMAY NG PIPING SAPATERO

“ISENYAS mo lang at gagawin ko ang sirang sapatos mo.”

Ito ang nais tukuyin ng isang piping sapatero na si Cesar G. Casbadillo, 58-anyos, binata ng kalye Tramo, Rosario, Cavite.

Animo’y isang magikero ang kamay ni Cesar sa paggawa ng sirang sapatos na akala mo ay hindi na magsagawa pero paghinawakan nito ay nagmumukhang bago at magara sa pa­ningin ng iba.

Mapapa-wow ka naman talaga sa husay niya.

Isa sa katangian mayroon si Cesar pagdating sa paggawa ng sapatos ay sinusuri muna niya ito at dahan-dahang tinatahi ang bawat parte ng sirang sapatos bago kulayan na naaayon sa taglay nitong kulay.

Sa halagang P120 bayad sa bawat sapatos ay napakamurang na dahil mistulang naibalik sa dating anyo nito.

Masipag na sapatero si Cesar bukod pa sa maamong mukhang taglay nito kung Kaya’t marami ang nagpapagawa sa kanya.

Kumikita siya ng P750 bawat araw.

Ipinanganak sa nakakabinging katahimikan ng buhay. Walang ingay na naririnig at ang bawat senyas ng kanyang kamay ang nagiging gabay ng pang-araw-araw niyang buhay.

Tahimik man ang kanyang mundong ginagalawan, nag-uumapaw naman sa kaingayan ang galing at husay niya pagdating sa paggawa ng sirang sapatos.

Kung kaya’t kilala itong isang mahusay na sapatero sa bayan ng Rosario. SID SAMANIEGO