SA HALAGANG P500, LOLA NAMATAY SA PILA

HINDI na umabot pa ng buhay sa Novaliches District Hospital ang isang 60 anyos na lola dahil sa kagustuhang makakuha ng ipinamimigay na pera sa isang headquarters sa San Bartolome ng isang kandidato sa Quezon City.

Ayon sa mga kaanak, malaman ng lola na kinilalang si Ginang Emelita Deguangco ng Pink Flamingo Rainbow Homes barangay San Bartolome, Quezon City na may ipinamumudmod na pera sa mga tao ang headquarters ni QC 5th district Congressional candidate na si Rose Lin ay tinungo ito ng matanda ng walang kasama.

Sa naturang headquarters ay matagal na pinaghintay ang matanda sa gitna ng mainit na sikat ng araw ng tanghaling tapat. Walang tubig na ipinamimigay sa lugar at wala ding sapat na mga upuan para sa mga residente doon na tatanggap ng pera.

Nabatid na naganap ang naturang insidente dakong ala-1:45 ng hapon nang isugod sa Novaliches District Hospital si Deguangco gamit ang van ni Lin.

Una rito, personal umanong inikot ni Lin ang Rainbow Homes 1 para mamigay ng stubs para sa ipamimigay ng P500 hanggang P1,000 kasama rito ang biktima.

Matatandaan na si Lin ay una nang ipinaaaresto ng Senado dahil sa hindi pagdalo sa pagdinig ng Senado kaugnay sa anomalya sa Pharmally na nakakuha ng Temporary Restraining Order (TRO) mula sa local court kung kaya’t nakakaikot ito para mangampanya. EVELYN GARCIA