(Sa halalan sa Mayo 9) POLL WORKERS HUMINGI NG OT PAY SA COMELEC

NANAWAGAN ang grupo ng mga titser sa Commission on Elections na bigyan ng overtime pay ang mga magsisilbi bilang election inspectors sa halalan sa Mayo.

Sinabi ni Alliance of Concerned Teachers secretary-general Raymond Basilio na inaasahan ang mahabang proseso ng botohan dahil sa COVID-19 protocols.

“Du’n sa kanilang inilabas na listahan ng gagawin ay lumalabas po na extended ng dalawang oras hanggang tatlong oras ‘yung magiging trabaho ng ating mga board of election inspectors.At sinasabi ng mga tauhan ng Comelec sa mga trainings na ginagawa nila ngayon ay hindi sila magbabayad ng overtime pay,” pahayag ni Basilio sa TeleRadyo

Magsisimula ang botohan sa Mayo 9 ng alas-6 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.

Maari aniyang magsimula ang trabaho ng mga guro ng alas-3 pa lamang ng madaling araw katulad ng pagkuha ng election paraphernalia, paghahanda sa polling precincts at iba pang gawain para matiyak ang maayos na pagboto.

Samantala, sinabi ni Basilio na humingi sila ng diyalogo sa Comelec, subalit hanggang ngayon ay wala pang naririnig mula sa bagong pamunuan nito kung sila ay haharapin o hindi.