(Sa halip na magpatupad ng total ban) POGO ZONE PINALILIKHA

INIREKOMENDA ni Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang paglikha ng ‘POGO zone’, sa halip na ang kabuuang pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.

Ang rekomendasyon ay bahagi ng committee report na isinumite ni Dela Rosa sa kanyang mga kasamahan, bilang chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs.

Kinuha ang committee report ni Dela Rosa mula sa imbestigasyon ng kanyang panel sa epekto sa peace and order ng POGO operations sa bansa.

“We are leaving a recommendation sa gobyerno natin na kung ipagpatuloy ang pag-operate ng POGO, we recommend na ilagay sila sa isang lugar kung saan madali silang i-control ng government agencies concerned like the PNP, like the Bureau of Immigration, like the PAGCOR. Para concentrated lang sila doon at nababantayan sila, paraI iwasan ‘yung POGO-related crimes,” ayon sa senador.

“Restriction. Mari-restrict sila (POGO). ‘Yung kanilang area, iisa lang,” dagdag pa niya.

Naniniwala si Dela Rosa na ang sunud-sunod na mga krimen na may kinalaman sa POGOs ay maaaring sisihin sa kakulangan ng nakalaang lugar para sa industriya ng offshore gaming.

Ang ulat ng komite, aniya, ay isasapubliko sa pagpapatuloy ng sesyon sa susunod na buwan. LIZA SORIANO