IMBES na tumaas ay bababa ang singil sa koryente ngayong Hunyo, ayon sa Manila Electric Co. (Meralco).
Sa isang advisory nitong Linggo, sinabi ng Meralco na ang power rate cut ay dahil sa pagpapatupad ng staggered collection ng generation costs mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Ayon sa Meralco, sa isang kautusan na inilabas noong June 13, inatasan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang lahat ng distribution utilities at electric cooperatives sa bansa, kabilang ang Meralco, na utay-utayin ang koleksiyon ng WESM charges sa loob ng apat na buwan simula ngayong billing month hanggang September 2024.
Ang Meralco customers ay makaaasa ng P1.9623 per kilowatt-hour (kWh) na pagbaba sa kanilang electricity bills ngayong buwan, sa halip na P0.6436 per kWh pagtaas tulang ng naunang inanunsiyo.
Dahil dito, ang overall rate para sa isang typical household ay bababa sa P9.4516 per kWh mulaP11.4139 per kWh noong Mayo.
Para sa residential customers na kumokonsumo ng 200 kWh, ang bawas-singil ay katumbas ng P392 sa kanilang total electricity bill.
Sinabi rin ng Meralco na ang adjusted rate para ngayong buwan ay nagpapakita ng P1.8308 per kWh na pagbaba sa generation charge.
Sa kabila ng pagbaba ng singil ngayong Hunyo, sinabi ng Meralco na maaaring tumaas ang generation charges sa susunod na tatlong buwan.
“We would like to advise this early that our customers can expect generation charge to increase in succeeding months as we collect the deferred amounts on staggered basis as result of the recent developments,” sabi ni Joe Zaldarriaga, Meralco vice president and head of corporate communications.
“With these already deferred costs, and the recent order of the ERC to also stagger the collection of WESM charges, around P0.77 per kWh will be added every month to the generation charge in the July to September bills,” dagdag pa niya.