DAPAT tutukan ng pamahalaan ang paglikha ng trabaho sa halip na ang pagtataas sa suweldo upang maiahon ang mga Pinoy sa kahirapan, ayon sa isang business group.
Ginawa ni Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) president Sergio Ortiz-Luis ang pahayag makaraang sabihin ni Association of Democratic Labor Organizations (ADLO) president Duds Gerodias na sinusuportahan nila ang pagsusulong sa umento sa national minimum wage.
Nauna rito ay nanawagan si COURAGE national president Santiago Dasmariñas Jr. sa pamahalaan na itakda ang minimum wage ng state workers sa P33,000 kada buwan sa gitna ng tumataas na inflation.
Aniya, ang government workers na nasa pinakamababang salary grade ay tumatanggap ng minimum wage na P12,517, malayo sa pagtaya ng IBON Foundation na P1,119 daily living wage na kinakailangan ng isang pamilya na may limang miyembro para makapamuhay nang disente hanggang noong September 2022.
Gayunman ay sinabi ni Ortiz-Luis na ang dagdag-sahod ng mga empleyado ay maaaring magpuwersa sa micro, small, and medium enterprises na taasan ang presyo ng mga produkto at serbisyo na kanilang iniaalok.
Aniya, ang wage hikes ay pakikinabangan lamang ng mga nasa formal labor sector, na bumubuo sa 10 percent ng 50 million-strong labor force.
“‘Pag tinaas ‘yung presyo nung tindahan, eh ‘di pati ‘yung 90 percent na hindi naman nataasan ng kita ay magbabayad ng additional,” dagdag pa niya.