CAMP CRAME – TINANGGAP ng Philippine National Police (PNP) ang hamon ng University of the Philippines (UP) na magdebate kaugnay sa isyu sa academic freedom.
Ito ay matapos ang hamon na debate ng mga estudyante ng UP sa mga top official sa bansa patungkol sa academic freedom.
Subalit nilinaw ni PNP Spokesperson, PBGen. Bernard Banac na isang maayos na diyalogo ang gusto ng PNP.
Aniya, walang intensiyon ang PNP na panghimasukan ang academic freedom, ang panawagan aniya ng PNP ay magkaroon sila ng access sa school campuses.
Ito ay dahil naniniwala ang PNP na ang presensiya ng mga pulis sa mga eskuwelahan ay makaiiwas sa posibleng paghalo ng mga kriminal at mga terrorist element sa mga estudyante.
Nais din ng PNP na mapag-usapan sa diyalogo ang peace and order, kriminalidad, illegal drugs at iba pang mga krimen na malimit nangyayari sa bansa.
Maging ang pagiging responsableng mamamayan, pagmamahal sa bayan at pamilya at iba pang usaping may kinalaman sa kapakanan ng mga kabataan.
Muling iginiit ni Banac na walang problema sa PNP ang student activism pero dapat aniya ay lahat ng aktibidad ng mga estudyante ay naaayon sa umiiral na batas dahil kung hindi ay rito na papasok ang PNP. REA SARMIENTO
Comments are closed.