SA HARAP NG MABIGAT NA SAKUNA, TAMA NA ANG EPAL

Magkape Muna Tayo Ulit

Mahigit na isang linggo na tayong nakararanas ng pagkitil sa mga regular na pang araw-araw na gawain mula nang nag-anunsiyo si Pangulong Duterte ng community quarantine. Ika-15 ng Marso nang ito ay pintupad. Ganon pa man ay patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga kasong nahawaan at nasawi sa COVID-19.

Pagkalipas ng ilang araw ay pinalawak pa ang community quarantine sa buong pulo ng Luzon. Mas pinaigting pa at mas hinigpitan ang kautusan na huwag nang lumabas sa ating mga tahanan at ginawa itong ‘enhanced community quarantine’ kung saan nagkaroon ng karagdagang checkpoint ng kapulisan at mga military.

Ang mga opisyal ng LGU ay inutusan ng DILG na seryosohin ang nasabing kautusan kung saan tumalima ang karamihan sa kanila.

Sa lahat ng mga pangyayaring ito, ako ay napapailing dahil marami pa rin ang ume-epal ang sumasawsaw sa isyu ng COVID-19 na hindi naman talaga nakakatulong. Ang mahalaga ngayon ay magkaisa. Magtulungan. Huwag makasarili. Huwag magmagaling.

Sinasabi ko ito dahil may mga sektor sa ating lipunan na nagpapalabas ng kanilang pahayag na hindi naman talaga mahalaga sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa.

Tulad na lang ng reaksiyon ni CPP/NPA leader na si Jose Maria Sison. Ang ating pamahalaan ay nagpahayag ng tigil putukan o ceasefire muna sa pagitan ng ating militar at NPA para matugunan ang pagtulong upang hindi lumala ang pagkalat ng COVID-19 sa ating bansa.

Imbes na sumang-ayon ay nagpahayag pa sila na pag-iisipan pa raw nila ang alok ng ating pamahalaan. Ha?!

Isa pa ay ang militanteng grupong Bayan. Hindi na dapat sila kailangang sumasaw at magbigay ng pahayag na kailangan daw imbestigahan ang mga namumuno ng Inter Agency Task Force sa kanilang paghawak upang masugpo ang pagkalat ng COVID-19. Sa totoo lang hindi kailangan ng ganitong pahayag ngayon. Ang mas maganda pa nga ay suportahan nila ang mga miyembro ng Bayan Muna kung papaano nila matulungan ang mga ito.

Isa pa ay si dating mambabatas na si Neri Colmenares na talagang wala nang tinira kundi ang Meralco. Nirerespeto ko ang kanyang paniniwala laban sa Meralco. Subali’t upang sakyan niya ang mga paghihirap natin sa kalagitnaan ng pagtaas ng bilang ng mga kaso na may COVID-19, kailangan pa bang batikusin ang Meralco ngayon?

Ang mga pribadong sektor ay gumagawa rin ng mga paraan upang makatulong sa paghihirap natin ngayon. Tulad ng pansamantalang pagsingil sa mga buwanan na mga bayarin natin sa tubig, koryente at iba pa. Ang mga malalaking malls ay inalis muna ang buwanang renta ng mga nangungupahan sa kanila. Maaring ang pagkalat ng COVID-19 ay ang pinakamalaking pagsubok hindi lamang sa ating bansa kung hindi sa buong mundo. Hindi na kailangang umepal sa mga ganitong kalagayan kung saan ang mahalaga ay maibsan ang ating paghihirap sa malaking pagsubok na ito.