(Sa Henley Passport Index) PH PASSPORT UMANGAT SA IKA-74 PUWESTO

passport

UMAKYAT ang Philippine passport ng apat na puwesto sa pinakabagong Henley Passport Index, isang global ranking ng pinakamakapangyarihang pasaporte sa mundo pagdating sa kalayaan sa pagbiyahe ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang bansa.

Ayon sa index, ang Pilipinas ay nasa ika-74 puwesto ngayong taon, mula sa ika-78 noong 2022.

Sinabi ni Henley & Partners managing director Scott Moore na ang matatag na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas ay isang salik sa paglakas ng ranking ng bansa.

“The Philippines is generally turning upwards because of the growing economy,” pahayag ni Moore sa CNN Philippines.

Aniya, napanatili ng Pilipinas ang upwards trend sa 18 taon na inilathala ng ahensiya ang index.

Ang Henley Passport Index ay base sa datos mula sa International Air Transport Association (IATA) at nira-rank ang 199 passports sa buong mundo sa pagsukat sa global travel freedom pagdating sa visa-free at visa-on-demand access sa mga mamamayan sa buong mundo.

Ngayong taon, naagaw ng Singapore ang No.1 spot sa index mula sa Japan.

Ayon kay Moore, ilang bansa ang napanatili ang kanilang ranggo ngayong taon, na maaaring nakaapekto sa pag-angat ng puwesto ng Pilipinas.

“The Philippines has been pretty steady in terms of score in giving access to 67 countries with applying for a visa,” aniya.

May kabuuang 34 bansa ang magkakasalo sa rankings sa top 10 positions ng index ngayong taon.

Karamihan sa mga ito ay may parehong bilang ng destinasyon na nag-aalok ng visa-free access sa international travelers.

Ang top 10 best passports sa 2023 ay ang Singapore (192 destinations); Germany, Italy, Spain (190 destinations); Austria, Finland, France, Japan, Luxembourg, South Korea, Sweden (189 destinations); Denmark, Ireland, Netherlands, UK (188 destinations); Belgium, Czech Republic, Malta, New Zealand, Norway, Portugal, Switzerland (187 destinations); 6. Australia, Hungary, Poland (186 destinations); Canada, Greece (185 destinations); Lithuania, United States (184 destinations); Latvia, Slovakia, Slovenia (183 destinations); at Estonia, Iceland (182 destinations).