ISINUSULONG sa Kamara ang pagpapataw ng mabigat na parusa sa mga masasangkot sa hoarding, price manipulation at cartel ng mga gamot para sa trangkaso, sipon, ubo at iba pang sintomas ng COVID-19.
Kasunod na rin ito ng pagtaas ng demand at kakapusan sa suplay ng paracetamol at iba pang gamot sa kasagsagan ng ” holiday season na sinabayan pa ng banta ng Omicron variant.
Sa House Bill 10675 o ang “Lingkod Security and Stability of Medicines for Flu and Colds Bill” na inihain ni Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, nakasaad na dapat na ituring na krimen ang mga responsable sa pag-iimbak ng mga gamot, profiteering at cartel.
Layunin ng panukala na mapigilan ang mga maling gawain lalo’t nagdudulot ito ng hindi makatarungang pagtataas sa presyo.
Kapag naging ganap na batas, ang mga mapatutunayang nagkasala ay pagmumultahin ng P50 million at pagkakakulong ng hindi bababa sa 12 taon pero hindi lalagpas ng 20 taon sa unang pagkakataon, habang multang P100 million at kulong na hindi hihigit sa 20 taon para sa mga lalabag sa ikalawang pagkakataon.
Matatanggalan din ng lisensiya, permits at registration ang sinumang indibidwal, kompanya at kahalintulad na lumabag, at kukumpiskahin ang lahat ng mga ibinebentang produkto. CONDE BATAC