(Sa huling quarter ng 2022)SUPLAY NG KARNE SA PH BUMABA

Karne ng baboy

BAHAGYANG bumaba ang suplay ng karne sa bansa sa huling quarter ng 2022, ayon sa isang opisyal ng Bureau of Animal Industry (BAI).

Sinabi ni Lani Plata Cerna, supervising science research specialist sa Bureau of Animal Industry, na hanggang October, ang meat supply ng bansa ay nasa 95 percent sufficiency, mas mababa sa 121 percent na naitala sa third quarter ng taon.

“Magkakaroon po ng bahagyang kakulangan sa karne ng baboy sa kasalukuyan pong quarter ngayong taon,” pahayag niya sa Laging Handa briefing.

Sa kabila ng pagbaba sa suplay, inaasahan naman aniyang magkakaroon ng sapat na suplay ng karne sa holiday season.

Dagdag pa niya, ang Pilipinas ay umaangkat ng karne sa mga bansang UK at Denmark.

Ayon kay Dr. Samuel Castro, deputy national program coordinator for National African Swine Fever (ASF) Prevention and Control Program, binabantayan din ng pamahalaan ang ilang babuyan na nagsasagawa ng repopulation efforts.

“Kailangan iyong mga dating tinamaan ng ASF, kung mag-repopulate sila o maglagay ulit ng baboy, kailangan safe, kailangan mataas iyong antas ng biosecurity para siguradong hindi ulit tumama,” aniya.

Samantala, sinabi ni Castro na mula sa siyam, anim na rehiyon na lamang ang apektado ng ASF.

Ang mga apektadong rehiyon ay ang Region I, III, IV-A, VI, VIII at XII.

“Iyong sinabi kong six regions, iyon iyong mayroong currently active cases. So ito naman ay dynamic na figures, we regularly published sa Facebook page natin na Bantay ASF sa Barangay. Once na ma-resolved na iyong mga areas, natapos na iyong disease control activities sa area ay hindi na siya ini-include,” ani Castro.