SA pagpasok ng bagong taon, umabot sa kabuuang 985 ang bilang ng mga pulis ang sinibak sa serbisyo.
Sa datos ng Philippine National police, mula Hulyo 1, 2022 hanggang nitong Enero 3 ay kulang sa isang libong pulis ang sinibak sa serbisyo bunsod ng mga kasong kinasasangkutan.
Batay sa talaan ng PNP, 65 sa nasabing bilang ang napatunayang positibo sa paggamit ng iligal na droga habang ang 43 naman ay dawit sa kalakaran ng ipinagbabawal na gamot.
Nasa 230 namang pulis ang na-demote kung saan sampu sa mga ito ay bumaba ang ranggo dahil pa rin sa pagkakasangkot sa illegal drugs.
Samantala, 1,701 ang nasuspinde at 60 dito ay dahil pa rin sa ipinagbabawal na gamot.
May 134 ang na-forfeit o hindi na pinasuweldo, 694 ang naparusahan, 79 ang napatawan ng restriction at 109 naman ang hindi makuha ang kanilang mga pribelehiyo.
Sa kabuuan ay nasa 3,932 mga pulis ang naparusahan na ng liderato ng PNP sa administrasyon pa lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ipinagmalaki naman ng PNP na bumaba ng may 30 porsyento ang naitalang focus crime o crime against person and property sa pagpasok ng bagong taon.
Ayon sa PNP- Public Information Office (PNP-PIO), mula nitong Enero 1 hanggang 11, nakapagtala lamang ng 759 focus crimes kumpara sa 1, 211 na insidente sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Base naman sa datos mula Enero hanggang Disyembre, 2023 ay may kabuuang 38,230 na insidente ng index crimes ang naitala ng PNP na mas mababa ng 8.44 percent sa 41,755 na insidente na iniulat sa parehong panahon noong 2022.
Ang 8 focus or index crimes ay kinabibilangan ng mga crime against person gaya ng murder, homicide, physical injury, rape, at crimes against property gaya ng theft, robbery, car theft at motorcycle theft.
VERLIN RUIZ