LIBO-LIBONG tauhan ang Quezon City government sa ilalim ng Law and Order Cluster ang itinalaga para sa 2nd State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Magpapakalat ang Transport and Traffic Management Department (TTMD) ng 800 enforcers para tumulong sa traffic ng mga tao sa mga pangunahing lansangan habang ang Quezon City Police District (QCPD) ay magtatalaga ng 6,123 uniformed officers at ang Department of Public Order and Safety (DPOS) ay gagamit ng 375 personnel para tumulong sa QCPD sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan ng publiko.
Upang matulungan naman ang mga nangangailangan ng agarang tulong at suportang medikal sa panahon ng SONA, ang QC Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRM) ay magpapakalat ng 287 tauhan mula sa mga Emergency Medical Services (EMS), Search and Rescue (SAR) team nito, at iba pang karagdagang mapagkukunan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at tumugon sa anumang hindi inaasahang insidente.
Pinayagan ng pamahalaang lungsod ang parehong mga pro at anti-administration rally ngunit pinapaalalahanan ang lahat ng grupo na sundin ang mga batas at regulasyon at huwag guluhin ang kapayapaan at kaayusan sa mga apektadong lugar.
Ayon kay Belmonte, “Ang QC ay balwarte ng malayang pananalita, at pinahahalagahan namin ang karapatan ng bawat isa na mapayapang magtipon bilang protektado ng ating Konstitusyon.”
Nagtakda ang pamahalaang lungsod ng isang lugar sa kahabaan ng Commonwealth Avenue malapit sa Commission on Audit kung saan gaganapin ang kanilang rally ang mga pro-administration group habang ang mga nagpoprotesta ay nakatakdang mag-assemble sa kahabaan ng Commonwealth Avenue malapit sa Tandang Sora overpass.
PAULA ANTOLIN