Saan makararating ang PHP10 mo?
HANGGANG saan ang mararating ng sampung piso mo sa ika-40 MIBF?
Sa halagang ito, makapag-uuwi ka ng monograp mula sa KWF Aklat ng Bayan sa Manila International Book Fair (MIBF), na magsisimula ngayong araw at tatagal hanggang Setyembre 11, 2019 sa SMC Convention Center, Lungsod Pasay.
May mga monograp na nagpupugay sa mga dakilang panulat nina Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Lazaro Francisco (Ang Beterano) at Deogracias Rosario (Kung Ipaghiganti ang Puso).
Malalasap ang mga salin sa Filipino ng akda nina Pambansang Alagad ng Sining Nick Joaquin (Rubdob ng Tag-init), Paz Marquez-Benitez (Mga Patay na Bituin), at Bienvenido Santos (Halimuyak ng Mansanas).
Marami ring matututuhan sa iba pang larang sa mga monograp nina Tereso Tullao Jr. hinggil sa ekonomiks at retiradong hukom Ruben Reyes sa batas.
Sa mga nais ng panimulang pagbása sa wika at panitikan, may mga monograp din hinggil sa pagsasalin, estandardisasyon, amalgamasyon, paglikha ng salita, at kasaysayan ng maikling kuwento na isinulat ni Pambansang Alagad ng Sining at Tagapangulo ng KWF Virgilio S. Almario.
Bahagi ang mga monograp sa lumalaking koleksiyon ng Aklat ng Bayan na may layong itampok ang Filipino bílang wika ng paglikha at saliksik.
Mula pa noong 2013, may higit 100 aklat na ang nailathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na inihahandog sa mga mambabasáng Filipino sa murang-murang halaga.