NAKATANGGAP ng halos 500 reklamo ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa ikalawang araw ng pagsisimula ng pagrerehistro ng mga SIM cards, sa ilalim ng SIM Card Registration Act.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DICT Undersecretary Anna Mae Lamentillo na umaabot na sa 481 na reklamo ang kanilang natanggap.
Kabilang dito ang 195 reklamo mula sa Smart users, 121 mula sa Globe users, 83 mula sa Talk ‘N Text users, 41 ang mula sa Dito users, 20 ang mula sa TM users, 14 ang mula sa Sun Cellular users at 7 ang mula sa Gomo users.
Sinabi ni Lamentillo na karaniwan naman sa reklamo ng mga ito ay ang hirap sa pagkumpleto ng registration process at pag-access sa registration portals ng mga telecommunication companies (telcos).
Ang mga senior citizen aniya na nahirapan sa registration process ay kanilang pinaasistehan.
Umapela rin siya ng pasensiya sa publiko dahil ang unang 15-araw aniya ng pagrerehistro ay test period pa lamang naman.
“Some were senior citizens who found it difficult to accomplish the registration process, so we’ve asked someone to assist them. Others had trouble in getting into the system, but we’re asking the public to be a little bit patient with us since we have a 15-day test period,” pahayag ng opisyal. EVELYN GARCIA