(Sa ikalawang sunod na buwan) INTEREST RATES TINAASAN NG BSP

TINAASAAN ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang key rates nito sa ikalawang sunod na buwan para solusyunan ang bumibilis na inflation rate.

Ang key policy rates ay tinaasan ng Monetary Board ng 25 basis points— ang overnight reverse repurchase facility sa 2.5%, overnight deposit facility sa 2.0%, at ang overnight lending facility sa 3.0%— epektibo ngayong Biyernes, June 24.

Ang central bank rates ang nagsisilbing benchmark ng mga bangko at lending companies para sa kanilang loan, credit card, at deposit rates.

Noong nakaraang buwan ay tinaasan na rin ng central bank ang interest rates ng 25 basis points, ang unang pagtaas magmula noong 2018.

“In deciding to raise the policy interest rate anew, the Monetary Board noted that upside risks continue to dominate the inflation outlook up to 2023,” wika ni BSP Governor Benjamin Diokno.

Tinukoy ni Diokno ang mga risk tulad ng potential impact ng mas mataas na global non-oil prices, ang patuloy na kakulangan sa domestic fish supply, at ang nakabimbing petisyon para sa taas-pasahe dahil sa mataas na presyo ng langis.

Ang inflation ay bumibilis ngayong taon, kung saan pumalo ito sa three-year high na 5.4% noong Mayo dahil sa pagtaas sa food and non-alcoholic beverages. Inaasahang mag-a-average ito ng 5.6% sa second half.