TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na praktisado ang mga tourist cop na naka-deploy sa iba’t ibang tourist destinations at pasyalan gaya ng mga beach resort upang matiyak ang kaligtasan ng mga local and foreign tourist.
Una nang inihayag ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo na kasado na ang Summer Vacation Operational Plan (OPLAN: SumVac) ng PNP na naglalayung ligtas ang publiko kahit pa magsipag-outing sa ibang lugar o mula Maynila ay magtungo sa probinsiya.
“Nagsimula na nga itong summer vacation at kapag dumadating ‘yung mga ganitong panahon sa atin sa bawat isang taon ay naglulunsad po ng tinatawag na Sumvac operational plan ang PNP at kasabay po ng pagluulunsad na yan ay magdadagdag po tayo ng ating mga tauhan lalong lalo na dito sa mga tourist destination na alam natin na dadayuhin ngayon dahil nga medyo nasabik ‘yung ating mga kababayang lumabas sa halos dalawang taon na nagkaroon restrictions, “ ayon kay Fajardo.
Dagdag pa ni Fajardo na upang tama ang implementasyon, bago i-deploy ang kanilang mga tauhan sa tourist destination na tatawagin ding tourist police ay sasailalim muna ang mga ito sa training.
Paliwanag ni Fajardo na ibang training ang pagiging tourist cop dahil ang aalalayan ng mga ito ay hindi naman ordinaryong aktibidad kundi ang mga namamasyal at mga turista, may local at foreign.
Partikular na titiyakin ng mga tourist cop ay ang kaligtasan, maiwasan ang nakawan sa tourist spots at iba pang posibleng krimen na maaaring samantalahin ng mga masasamang elemento.
“Ating mga iti-train ang mga tourist police, aasahan natin na ipapakalat sila sa mga selected nating mga tourist destination,” dagdag ni Fajardo.
Hanggang kahapon, walang natatanggap na ulat ang PNP hinggil sa anumang untoward incidents na may kaugnayan sa summer vacation. EUNICE CELARIO