HINDI bibigyan ng discount ang mga commuter sa ilalim ng 2023 Service Contracting Program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay LTFRB Technical Division chief Joel Bolano, maaari lamang garantiyahan ng ₱699 million program ang availability ng public utility vehicles (PUVs) sa buong araw.
“We are bound by the Commission on Audit. Kailangan every discount, according to COA, namo-monitor namin,” sabi ni Bolano. “Kung traditional jeepney ka, bawat sakay wala tayong way to monitor kaya inaaral pa rin namin.”
Dahil target ng programa na mabenepisyuhan ang PUV drivers at operators sa programa, kailangan nilang makasunod sa ilang requirements, kabilang ang availability ng 80% ng on-board vehicles. May ispesipikong bilang ng kilometro kada araw rin na kailangang takbuhin ang participating vehicles.
Sa ilalim ng programa ngayong taon ay ipatutupad din ang net service contract, nangangahulugan na ang mga operator ay babayaran sa napagkasunduang halaga na sakop ang bahagi ng operational at maintenance costs para matiyak ang patas na kompensasyon para sa serbisyong ipinagkaloob bukod sa nakolektang farebox.
Ito ang unang taon ng implementasyon na kasangkot ang local government units sa programa.
Ayon kay Bolano, ang mga operator na nais lumahok sa programa ay nasa proseso na ng pagsunod sa requirements.
Aniya, plano ng LTFRB na simulang ipatupad ang programa bago matapos ang taon.