UMAABOT sa P45.68 bilyon ang halaga ng drogang nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa ilalim ng administrasyon ni pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Sa inilabas na True Number data ng PDEA, umaabot sa 74, 832 anti narcotics operation ang kanilang inilunsad na nagresulta sa pagkakasamsam sa P45.68 bilyong halaga ng droga na binubuo ng 5,945.67 kg. ng shabu, 74.60 kg. ng cocaine, 105,873 party drugs or ecstasy tablets at 5,064.68 kg. ng marijuana mula Hulyo, 2022 hanggang Hunyo 30 ng kasalukuyang taon.
Samantala, 28,899 sa 42,000 barangay sa bansa ang idineklarang “drug-cleared” sa parehong period habang 6,617 affected barangay ang nililinis pa ng mga awtoridad.
Sa inilabas na datos ng PDEA nitong nakalipas na Linggo ay lumilitaw na umaabot sa 101,757 drug personalities ang kanilang nadakip sa mga isinagawang anti-illegal drug operations .
Habang umaabot naman sa kabuuang 6,508 high-value targets (HVTs) sa buong bansa ang kanilang na neyutralisa bunsod ng kanilang ikinasang 74,832 anti-illegal drug operations.
Nabuwag din ng mga awtoridad ang 1,053 drug dens at isang clandestine shabu laboratory sa parehong panahon.
Sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo 22, nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang “bloodless campaign” laban sa ilegal na droga sa bansa.
VERLIN RUIZ