(Sa ilalim ng Alert Level 2) ‘NO VAX, NO RIDE’ AALISIN NA

HINDI na hihingan ang mga commuter sa Metro Manila ng vaccination card para makasakay sa public transportation simula sa Martes, Peb. 1, ayon sa isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr).

Sinabi ni Transportation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran na aalisin na ang “no vaccination, no ride” policy ng ahensiya sa sandaling ibaba sa Alert Level 2 ang National Capital Region (NCR).

“Once we de-escalate to Alert Level 2, the no vaxx, no ride policy shall automatically be lifted,” ani Libiran.

Ginawa ni Libiran ang pahayag makaraang ianunsiyo ng pamahalaan ang pagsasailalim sa NCR at pitong iba pang lugar sa Alert Level 2 simula Peb. 1 hanggang 15.

Ipinatupad ng pamahalaan ang “no vax, no ride” policy sa Metro Manila sa gitna ng biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19 na pinaniniwalaang dulot ng Omicron variant.